hindi naman siguro kayo magugulat kung ibubulgar kong may doorbell kami sa bahay, hindi naman siguro kamangha mangha at kahanga hanga ‘yun. hindi ko isiniwalat ang impormasyong may doorbell kami para magyabang, gusto ko lang ipaalam na hindi ako inosente sa tunog n’un o sa kahit anong bagay na kasing katunog ng bagay na ‘yun. hindi ko alam kung iniisip mo ba na siguro kinikilig ako sa tunog na ‘yun tuwing binabanatan mo ko ng ganun o kung siguro parang bumibilis ang tibok ng puso ko pag narinig ko ang tunog na ‘yun ilang minuto bago ko makitang nag online ang account mo sa YM.
bumalik sa akin ang unang araw na nagtagpo tayo sa isang chat room, paalis na’ko nu’n dahil walang buhay sa loob, wala ako sa mood makipag kariran dahil wala namang makakarir. nag pm ka tinanong mo ang idad kasarian at lugar ko, sinagot kita sinabi kong disinwebe anyos ako, matipunong lalaki, at nakatira sa isang magarbong condominium sa makati. tinanong mo kung ano ang trabaho ko at sinagot naman kita… commercial model.
naputol ang usapan natin nung nagkaro’n ako ng tawag para magtrabaho, nagduda ka pa at tinanong mo ‘ko kung bakit tumatanggap ako ng tawag kung talagang model nga ako at sinagot naman kita na nagpa part time ako bilang call center agent, nagulat ka at napa wow! e di magaling kang mag english.. tanong mo pa nga, na sinagot ko naman ng YUP!
sa halos kinse minutos na paguusap natin na ‘yun pakiramdam ko terti minutes ang nanakaw sa pagkatao ko, parang mas nagenjoy pa sana ako kung nagpunta ako sa isang gay porn site kesa sa makipag chat sa’yo at sa ilang segundong hindi ako nakaka sabay sa usapan e pinapaulanan mo ‘ko ng buzz na para bang agaw buhay ka na at ang sagot ko lang sa tanong mo ang makakapag sagip sa ‘yo kaya kinakailangan mo na ang sagot ko impunto. hindi eksaherasyon na sabihing sa kinse minutos na ‘yun naka dalawampung buzz ka siguro sa akin at sa dalawampung ulit na ‘yun, tatlongpung beses siguro kitang sinabihan na nakakairita ang ganun na sinasagot mo lang ng emoticon na nakangiti.
ilang araw na ba ang nakakalipas mula nung una at huli nating paguusap, ilang araw na ba ang nakakalipas buhat n’un na nagsimula ang pagkakaibigan natin? ilang araw na ba na na iniiwasan kita kaya ako naka invisible sa YM sa’yo at ilang araw na bang nakakakuha ako ng offline messages sa’yo, mga mensaheng nangungumusta at celfone number mo, na hindi ko naman binalak kunin dahil bukod sa binibingi mo ko sa kaka buzz mo, napag isip isip kong wala tayong patutunguhan, hindi ko maipag papatuloy ang pakikipag kaibigan ko sa isang babaeng wala ng bukambibig kundi “mukhang mabait ka naman jon” .. taena, hindi ako mabait!

at ngayon, tinatapos ko na ang pagiging magkaibigan natin dahil gusto kong pagpahingahin
ang tenga kong bugbog sarado sa’yo.