hindi ko alam kung papano natin maipapaliwanag ito, dumadating minsan sa buhay natin na gusto nating gumawa ng kabutihan at magpalaganap ng pagmamahal pero may kung anong p’wersa ang humahadlang sa lahat ng ginagawa natin at pinipilit n’yang lumabas na masamang tao pa rin tayo. malinis ang intensyon natin pero iba ang nangyayari.
nung huling araw ko na pumasok ng alas dos ng tanghali, sakay ng bus ng biglang may tumayo at naglabas ng megaphone, kesyo ilang taon na raw silang naka strike dahil sa hindi makataong pamamalakad ng may ari ng kumpanya nila, kesyo nakapicket sila at ang magpapalakas daw ng loob nila ay ang kaunting tulong pinansyal na maibibigay naming mga pasahero. nung nagumpisa na s’yang magikot bitbit ang kapirasong kahoy na hulugan ng barya, nagtatalo pa rin sa isip ko kung maghuhulog ba ako, bukod kse sa sakto lang ang barya ko para sa pamasahe sa jeep na susunod kong sasakyan papuntang opisina, nakikilala ko ang speech ni manong, eto yung halos araw araw na naririnig ko dalawang taon mahigit na ang nakakalipas, at casual employee pa lang ako n’un. natapos ang pag dedebate ng isip ko nung nagliwanag ang mukha n’yang nasa harapan ko at binabati ako ng magandang tanghali po sir, kasabay ng pag lapit ng hulugan ng barya sa harapan ko. nasurpresa ako at hindi nakapag abot. nagpasalamat pa rin s’ya sa akin at nag bulong ng god bless you at mapayapang paglalakbay daw sa lahat, nadurog ang puso ko, naisip ko na dalawang taon na nga siguro ang welga at maaaring dalawang taon na rin na uubo ubong naglalabada ang asawa n’ya habang pakalat kalat ang mga maliliit n’yang mga anak. nasa may pinto ang kinauupuan ko kaya dun ko s’ya inabangang dumaan, at habang nakikita ko s’yang papalapit, binubunot ko naman sa lalagyanan ko ng barya ang bente pesos na ipambibili ko sana ng isang marlboro tens sa tindahan bago pumasok. natagalan ang pagbunot ko dahil naipit ng zipper ng coin purse ang papel na bente, at saktong nasa may hagdan na s’ya ng pintuan ng bus na nagbawas ng bilis para sa paglundag n’ya, pinwersa ko ang perang papel sabay tapik sa balikat ng mama, na tipong nag alangan kung lilingunin n’ya ba ako o ihahanda n’ya na ang paa n’ya sa pagtalon at kung papano n’ya ihahanda ang katawan n’ya sa pwersa ng pagbagsak… gumulong ‘yung mama sa kalsada. at nagsigawan ang mga pasahero, sabay andar ulit ng bus na sinasakyan namin. ambigat bigat ng dibdib ko, parang sasabog. lumunok ako ng talong magkasunod, pumikit. at nagkunwaring natutulog.
(more…)